Tuesday, January 15, 2008

ramdam ko na ang iyong mga paramdam


kapag nagbibisikleta ako
naaaninag kita, nakabitin at pasirko-sirko
sa mga tinik ng alambreng bakod
sa gilid ng daan.
sa tuwing uupo ako sa tarangkahan
para panoorin ang pagsuksok ng araw sa likod ng bundok
nasusulyapan kitang
nagkukubli sa kulumpon ng talahib
sa kabilang bakuran
at nararamdaman kitang gumagapang
sa aking balakang, likod, batok, dibdib.
ayaw mo na akong hiwalayan. kagabi,
paggising ko para umihi,
nakaukyabit ka sa elisi ng electric fan
at nakasilip din sa mga mata
ng kalawanging iskrin ng bintana.
kanina,
muntik na tayong magtagpo
buti na lamang at tinabig
ng bumunghalit na busina
ang kaliwa kong braso palayo sa iyo;
pero nagalusan mo pa rin
ang aking tuhod at pisngi.
dalawampung taon bago ngayon,
narito ka nga sa utak ko
pero hindi talaga kita kilala.
wala anuman, ni anino mo
ang sumagi
sa aking guniguni
o sumilip man lamang sa aking mga panaginip,


kahit na hinahamon na pala kita noon
sa mismong teritoryo mo.
nakikiusap ako:
huwag mo akong dahan-dahanin,
santambak ang mga gunita at pasaning
kapag dumalaw
hindi ko kayang estimahin.
pakiusap,
dumating ka nang payapa pero biglaan
at walang ligoy mong ipataw
ang iyong pakay.