Here, here the tomb of Bulosan is,
Here, here are his words, dry as the grass is.
- Carlos Bulosan, “Epitaph”
------
Sapagkat kaagad nagliliyab ang tuyong damo
sa bahagyang halik ng apoy,
at iglap na naaabo ang kanyang alipato,
Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; oyayi sila
ng mga ilog at kabukiran ng Mangusmana
na kumalong sa tuwa ng iyong kamusmusan –
gunitang sumasalag sa ulos ng taglamig.
Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; halakhak sila
ng mga bulubundukin at kapatagan ng Amerika,
lunting luwalhating humahaplos sa iyong likod
kapag sinasalakay ng hapo at lungkot
ang mga plantasyon ng mansanas, gisantes, at asparagus.
Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; tagulaylay sila
ng aming hinagpis at poot, taginting ng tula
sa gitna ng gutom at dahas, lagaslas
ng dugong dumadaloy sa aming pag-asa at panaginip.
Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita;
sapagkat kailan ba natuyo ang tula at puso
ng makata ng sambayanan, kailan ba natuyo
ang pagasam at pag-asa sa pagsilang
ng bagong daigdig?