Parang sibuyas ang ating buhay
napakanipis ng balat,
walang pananggalang,
pawang marupok
na talukap.
Bakbakin mo ang balat,
talukap ng pagbabakasakali;
bakbakin mo,
talukap ng ligalig;
bakbakin mo,
talukap ng pasakit
pasakit
pasakit
pasakit;
paliit nang paliit
hanggang mawala.
Apo, wala na tayong magagawa,
Kaloob ito ng Maylikha.
iginagalang ko Ingkong
ang iyong saloobin;
ngunit paumanhin
iba ang aking pagtingin.
totoong parang sibuyas
ang ating buhay,
balot ng talukap
ng pasakit.
ngunit hindi ito kalooban
ng diyos.
tuwing anihan,
nasasaksihan natin
ang mga bulsang pinaaalsa
ng sibuyas – biyayang bumukad
sa lintos at kalyo ng ating palad.
Ingkong, sumusulpot
ang usbong ng sibuyas
mula sa ubod;
at ito ang dahilan
kung bakit ayaw kong sumuko,
kung bakit ko tinatalikdan
ang inyong paninindigan –
nais kong tuklapin
ang mga talukap ng ating pasakit;
nais kong pasibulin
ang ubod ng ating tuwa, ang pagsalig
sa sarili nating mga bisig.