Sinasaksak ng liwanag-bombilya ang aking mata
Tuwing kumikislap sa puso ang mga alitaptap
at pasusuhing mithi na itinaboy at sukat
ng tinatanuran ko ngayong dayong pabrika.
Oo, tanod din ako noon sa lupang ito
sandata ko’y tirador, tinutugis mga uwak
at dagang sa butil lagi nang ngumangatngat;
ngayon, bantay akong itinataboy ay tao.
Kapag nabubunggo ng nangangapang paningin
pader, tsimni, usok at basurang bumubulwak
sa tumbong ng pabrika, sa muni’y sumisiklab
ang mainit na dibdib ng nag-iwing bukirin:
Ang gusaling ito ay dating kakawayanang
sumaksi sa tilamsik ng panganay na dagta,
nagkaloob ng papag sa milyong pulot-gata’t
kumanlong sa supling ng pakikipagsuyuan.
Ang pusaling iyan ay dating mayuming batis
sa gurlis-kamusmusa’y epektibong panghaplos;
at kapag dusang-puso’y masidhi ang pag-ulos
lana itong pamahid sa galis ng hinagpis.
Dinig ko pa ang kalansing ng pangakong
humablot sa kalag ng aming komunidad;
sa altar ng pagtuwad sa kaunlarang hungkag
ihinandog sa dolyar ang ang lupaing ninuno.
Nangingilo pa ako sa gaspang ng buhanging
nilubid at ipinambigti sa dugo at palahaw
ng mga obrerong nginasab ng makinang
hukluba’t hikain na’y ayaw pang dispatsahin.
Sariwa pa sa gunita ang anak kong si Lina
Iniluwa ng makinang ang tanging mababakas
na mapagkikilanla’y ang suot na pulseras –
ulilang alaala ng yumao niyang ina.
Ay! anong bukas kaya ang mapamumukadkad
ng isang pag-unlad na bumabansot sa butil
nitong buhay? Kaunlaran ba yaong pagkitil
sa daluyang-hininga ng mga kapos-palad?
Hindi ba dapat lamang na akin nang silaban
ang pabrikang ito na sa aki’y kumukuba?
magkaroon man lamang ng silbi aking pagtanda
at magwakas na itong dustang paninilbihan?