Singlalim ng bakas ng kur-it[1] sa punlaan,
ang mga gatla sa iyong noo’y katumbas
ng bawat pagpintog ng sibuyas, Tatang.
Ngunit sa kanya na may makinis na kutis
sa kanya na may maninipis na palad
sa kanya na walang ibang inaatupag
kundi magkuwenta ng tubo at pautang –
sa kanya nauuwi ang katas ng sibuyas.
At sa atin na inaagnas ng pestisidyo
at pataba ang talampakan at palad,
ang nalalabi ay gulanit na kubo
at mga panghal[2] na tiningkal.
[1] manipis na kahoy o metal na pinangguguhit sa pagitan ng mga punla para pagbudburan ng pataba o binhi ng sibuyas.
[2] tigang