Ginising ng aking araro
ang nahihimbing na lupa.
Tumingala sa langit
ang mga buliga[1] –
tila iniaalay ang sarili
sa isang ritwal.
Mga tiningkal:
muli’t muling
hahaplusin ng suyod,
yayakapin ng paragus,
hahalikan ng asad[2],
dadantayan ng ilog.
Mga buliga:
muling magluluwal ng sibuyas
na magpapasigla sa kalan at dulang;
Ngunit hindi sa aking palad
na nagpagal sa lupa uuwi ang biyaya,
kundi sa naglilitanya ng ganansyang
talsik-laway at barat na bunganga.
[1] buliga – tiningkal
[2] asad - pantanim ng sibuyas, puwedeng kutsilyo o pinatulis na sanga ng kahoy