Saturday, September 02, 2023

muling papaswit ang mga takure

 
Anihan.

nagsalimbayan sa himpapawid 
ang mensahe ng mga diyos: 

“baratin ang cbuyas.”

Umalingawngaw ito sa bawat sulok
ng kanilang mga altar – 
Divisoria, Cabanatuan, San Jose
at maging sa Visayas at Mindanaw.

Ngunit walang patid 
sa paniniktik ang pinitak.
Nagtipon ang mga magsisibuyas 
upang isagawa ang  kanilang balak
laban sa mga diyos.

Bagong bukad silang bulaklak 
na ang polen ay isinaburayray[1] ng amihan
sa bawat pinitak, bawat pilapil, bawat putog[2]
bawat tibag, bawat bangkagan[3]

sa mga gilid ng daan, sa mga bakuran, 
sa mga opisina, eskuwelahan, simbahan, 
palengke – 

sa buong Pantabangan.

Umalimbukay ang alikabok 
sa pagdating ng mga diyos.
Muli nilang babaratin ani ng Abuyo[4] –  
primera klaseng sibuyas: mabilog, 
pulang pula at makinang ang balat,
malutong at siksik ang mga talukap.

“ttba na nmn tyo.” 

Paniniyak ng mga diyos.

Ngunit binulaga sila 
      ng isang pasalungat na prusisyon: 
      mga buriki ng sibuyas na nakalulan
sa patuki,  kareta,  kariton, traktora,  
      jipni, wipon, siksbay;

mga buriki ng sibuyas na pasan, sunong, 
      bitbit, kipkip ng mga bata, matanda, 
      babae, lalaki, lesbian, bakla;
      
mga buriki ng sibuyas na nakapingka 
      sa likod kambing, kalabaw, baka.
       
At habang tuod na nakatunganga 
sa pagkamangha ang mga diyos,

unti-unting naging kagampan sa sibuyas
ang buong Pantabangan. Ginawang hayangan
ang silid-aralan at pasilyo ng mga eskwelahan,
ang balkonahe at session hall ng munisipyo;
ang mga health center, day care center, 
      at barangay hall; ang mga pasilyo 
      ng simbahan at kumbento; ang mga sala, 
      kuwarto, kusina, banggerahan, batalan, 
      balkon, at bubong  ng bawat bahay.

anihan: 

      muling papaswit[5] ang aming mga takure
      at gagalakgak ang aming mga kalan at dulang.



[1] isinabog
[2] burol
[3] tumana
[4] bahagi ng mga bukiring pinalubog ng Pantabangan dam.  Ginagawa itong                   taniman  ng sibuyas kapag lumiliit ang tubig-dam.
[5] sisipol