Kulang sila sa salita,
kaya ganito sila magpahayag
ng pakikiramay –
tutuloy sa kusina, maghuhugas ng pinggan,
magluluto, mag-aabot ng kape
sa nakikipaglamay;
tutuloy sa likod-bahay, magsisibak ng kahoy,
mag-iigib, maghihintay ng utos –
hangga’t maaari, walang dapat gawin
ang namatayan kundi magdalamhati.
Batid nila, kapos ang kanilang bibig
at bulsa. Hindi nila kayang sisirin ang lalim
ng kawalan at pangangailangan ng namatayan;
kaya upang maibsan kahit katiting
ang dalahin ng nagluluksa –
babawasan nila ang nakalaan
para sa sariling hapag,
at palihim na ikukuyom sa palad
ng namatayan ang nakayanan.
Habang bumubulong ng paumanhin.