sapagkat hinihingi ng inang-
bayan, may kirot man sa dibdib,
bukal sa loob nilang inihahandog
ang kanilang mga anak sa dambana
ng himagsikan. tulad ng tubig
na malayang bumubukal, dumadaloy,
at sumasanib sa ragasa ng ilog,
walang pagtutol nilang tinatanggap
ang paglisan ng giliw nilang mga anak;
sapagkat hinihinging dakilang pag-ibig.
sapagkat hinihingi ng dakilangpag-ibig,
tinitiis nila ang pagkasabik sa musmos
na yakapng dating mga munting bisig,
habang nauulinig ang siyapan ng mga sisiw
sa labas ng bintanang di maipinid,
habang umaaninag ng kalatas
o anumang badya ng pabatid.
hindi maigugupo ng takipsilim, dawag, at dahas
ang pag-asam sa pagbabalik ng mga anak
na mandirigma; nasasabik sa pagdaloy
ng mga salaysay ng tambang at tagumpay;
umaasang muling maliligo sa halumigmig
ang tigang na hangin;
sapagkat hinihingi ng inangbayan.
sapagkat hinihingi ng inangbayan
walang gabing hindi maglalamay sa paghihintay
buhay man o patay ang anak na tumahak
sa landas ng makatuwirang paghihimagsik;
sapagkat hinihingi ng dakilang pagibig!