ganito gumagana ang batas
ng gabĂ – bawat kabulaanang nilubid,
bawat panlilibak sa matuwid
na isinabog mo sa himpapawid,
tiyak na bumabalik; mga pagod at gutom
na salitang umuuwi sa sariling tahanan,
nag-aanyong limatik na lumalantak ngayon
sa iyong utak at sumisipsip sa iyong dugo.
ngumangatngat sa anit;
at naglalagas ang iyong buhok,
gumagalugad sa gilagid;
at naglalaglagan ang iyong mga ipin,
dumadalirot sa daliri;
at naaagnas ang iyong mga kuko.
hindi, hindi ka binabangungot;
nagbunga na ang iyong inihasik.
masaganang anihan.