tama ang mahal na
Pangulo
nararapat lamang silang
arugain –
ang mga mukhang iyon na nakisukob
sa kislap ng kamera noong pitasin niya,
ng mahal na Pangulo, ang hinog na uhay
na iniluwal ng EDSA Dos.
nagurlisan ng sinag-araw at alikabok
ang mga mukhang iyon na araw at gabing
kaulayaw ng kolorete at eyrkon.
kaya alang-alang sa paghihilom
ng mga sugat ng ating bansa,
kailangang kalingain sila – kailangang
langgasan ang mga gurlis sa kanilang balat
sanhi ng taimtim nilang pakikipagkapitbisig sa atin –
mga matiising alila sa kanilang mga kusina, bukid, at
pabrika.
upang kung manumbalik na ang mala-bubog
nilang kutis ay maanggihan naman ng mga butil
ng mumo o mertayolet ang wakwak nating bituka.