Tinutunaw ng trahedya ng Ukraine
ang ating mga puso. Hinuhubog ang ating habag
ng barbarismong ibinabaha ng CNN BBC Fox News
sa ating mga monitor –
mga balumbon ng liyab at dagundong ng pagsabog,
gulanit na mga gusali, bakwit ng miyon-milyong
taumbayan, pighati sa mga matang kakulay
ng payapang langit.
At bumabalong ang ating luha. Nunit huwag,
huwag sanang hilamin ng alat ng pagkiling
ang ating mga mata. May mga aninong dapat aninawin,
lalo’t pinaglalaho sila ng kinang ng tanawing
ating tinatangisan –
silang mga winala, silang mga inulila,
silang pinagwawatak-watak ng mga sibilisadong
bombang ibinabagsak sa Somalia, sa Yemen, sa Syria.
silang mga inuusig ng nagbanyuhay na Hitler,
ng dugong Nazi na dumadaloy sa mga kanyong
bumibistay sa mga komunidad ng Lugansk at Donetsk;
habang ipinagbubunyi ng Kanluran
ang tapang at kabayanihan ni Zelensky.
Karumal-dumal ang pananakop ni Putin. Burak
ang kanyang budhi. Dapat lamang sumpain. Bakit hindi.
Ngunit bayaang dilaan din ng apoy ng ating poot
si Biden, ang NATO, lahat, lahat silang
hayok sa teritoryo, sa langis, sa kapangyarihan.
Huwag bayaang maghugas-kamay at mabura sa gunita
ang mga Pilatong sulsol at instigador ng gera,
silang nangangamkam ng ating buhay at daigdig
sa ngalan ng demokrasya at kapayapaan.