Magkaiba ang pinili nating daan,
hindi tayo magkasama ngayon;
pero bago mo ako husgahan,
samahan mo muna akong lumingon,
saglit tayong bumalik sa kahapon.
Magkakapit-bisig tayo noong 1986,
kasabay mo akong sumigaw ng “neber agen”,
kasama mo akong lumaban sa diktador,
kasama mo akong humarap sa kamatayan.
Pagkatapos ng EDSA, balik ako sa dating buhay –
kargador sa palengke, nangangalakal ng basura,
paekstra-ekstra sa konstruksyon. Ikaw rin,
nagbalik sa dati mong buhay – nagpakatalino,
nagpakadalubhasa. At ito ang napansin ko:
Bawat pangarap na iyong maabot,
bawat diploma na iyong makamit,
hakbang palayo sa aming maliliit.
Sabi ko sa sarili, ayos lang. Hindi dapat magdamdam.
Tutal sabi mo, iskolar ka NG bayan. Kahit paano,
kinikilala mong bahagi ako ng buhay mo,
na may ambag ako sa edukasyon mo. Kahit paano,
nakakaramdam ako ng pagmamalaki sa sarili.
Pero bakit bigla mong pinalitan mo ang tawag sa iyo?
Ginawa mong “Iskolar PARA sa Bayan”.
Bakit kailangang ihiwalay mo ang iyong sarili sa akin,
bakit isinantabi mo ang kaisahan
na nakapaloob sa katawagang “Iskolar NG Bayan”.
Kaya ngayon, ganito ang nararamdaman ko:
Dahil “Iskolar ka PARA sa Bayan”.
ipinapamukha mo sa akin
na may utang na loob ako sa iyo,
na nag-aral ka para sa akin.
Pero ano ang totoo? Ang layo mo sa akin.
Hindi mo ako dama. Lalo ngayon na nililibak mo
ang pinili kong kandidato dahil hindi siya nagtapos.
Alam mo bang sa bawat wagayway mo ng iyong diploma,
itinataboy mo ako palayo sa iyo,
itinataboy mo ang milyon-milyong mga mangmang
palayo sa inyong mga edukado.
Hindi mo ako dama, dayuhan ako sa buhay mo.
Kung hihingan mo ng resibo ang sinasabi ko
hindi na kailangang maghalungkat ng ebidensya.
Halika, humarap tayo sa salamin
at basahin mo ang iyong utak,
damhin mo ang iyong puso,
pakinggan mo ang iyong dila.
Kanino mo iniaalay ang iyong mga pananaliksik?
Sino ang kinakausap mo? Sino ang nakakaintindi
sa iyong mga akda at talumpati? Sino ang talagang
nakikinabang sa iyong karunungan?
Tatlumpong taon mo akong pinaasa,
Tatlumpong taon mo akong pinaasam.
Kaya bago mo ako husgahan, pakiusap
Humarap ka muna sa salamin.