Hindi magkamayaw mga banderitas,
Umaatungal ang pulpol na trompa
Kumakahol mga tambol at trumpeta.
Mga pulis at tanod ay nagkukumahog
Lahat binubulabog kahit asong natutulog;
Pagkaraan ng mahigit limang taon
Naisipang sumilip ng ating gobernador.
Sa awa raw ni Honesto, tayo’y makakaasa
Kanyang ipapasemento mga bukid at kalsada;
At sa wakas magkakatubig na ang ating mga poso;
Basta bukas kay gob nakaprenda ang ating mga boto.
Mahirap siyang tanggihan, ninong siya ng bayan;
Mahirap siyang hindian, baka hindi magpautang.
Halinang sumalubong, humingi ng kabaong,
Halinang makinig, habang tayo’y naghihilik.