inaruga mo silang lahat wala kang kinilingan
kahit sinong dumating tubero anawnser rekruter
elektrisyan titser
drayber pintor bendor pulitiko
minsan isang maamong mukha ang umukyabit
bumalangga at yumakap sa iyong balikat
itinarak niya roon ang ngiting
umaamot ng pagtangkilik
pinutungan ng kawad sinibat ng pako
ang iyong mga bisig
payapa mong tinaggap
pag-antak ng sariling sugat
payapa mong iniwi
pagtigis at pagkatuyo ng sariling dugo
isang araw padaskol na isinalaksak
sa iyong katawan ang isang patalastas
“maraming salamat sa inyong pagtangkilik”
habang nakangatngat sa iyong dibdib
mga kawad at pakong tigmak sa kalawang
tumupad sa pangako ang mukhang iyong inaruga
inayos ang trapiko
nilinis ang kalsada
pinulak ang limang dekada
ng tapat mong paglilingkod.