Saturday, May 03, 2014

pagsamba sa musa


ang aking tula, sapat
nang sipatin ng kapuwa
makatang makati rin
ang dila – may sapot?
may sipit?o supót? tuli na
kapag ako na tumula ay tumulo
ang laway sa pilantik ng sariling
pilantod  na pananaludtod.  maano
kung estranghera sa kurot
at kirot ng karet? maano
kung etsa-puwera ang masa
ng maso sa misa ng aking
pagsamba sa Musa?

kuyawa gud


pasan niya ang pasyon
ng imahinasyon at kunsumisyon –
dinadaliri’t dinadalirot niyang parang libag
ang libog ng mga abang barya-barya,
pero walang palya, ang abuloy
sa kapilya; habang hibang siya
sa pagtugon sa sariling pusok
ng puson. “simbako”,  sambit ni
samuel na taga-cebu, “alagad
na umaaligid. kuyawa gud!”

sa ngalan ng daan


mahilig maghulog ng lumang
pangalan ng daan ang ating mga opisyal.
doon sa daang Duhat, dumipa ang pinturadong
karatulang lata: Dr. Espiritu Z. Yumao St.,
tutok  na tutok sa mata ang mga titik, 
tila tatak  sa retinang namamanglaw
sa tanglaw ng pinalitang palatandaan
at gunita –  duhat, kumpol-kumpol
na bungang biyoleta,budburan ng asin
at kalugin sa magkasaklob na platong lusa.
Namnamin. Ingat; baka sa sarap, malunok  
ang buto.  kawawa ang yumao;  pinarangalan
ng lubak -lubak  na kalye. o baka naman sawimpalad
ang daan;  tinarakan ng baku-bakong budhi.



hinahon


ang hinahon  ay hinhin
sa pagharap sa hirap
ng buhay, kandilang
kumakandili
nakalimlim sa lamlam –
ng sariling kamatayan.

hinagpis


ang hinagpis
na hindi humulagpos
pasâ ng pusong
pantig-pantig ang pintig –
pipitik, puputok  na galis
sa gilas ng himok
ng hamak na pakikihamok.

hamog


binalo ng bala ang poot
at pait ng tilad-tilad
na pakikitalad ng balana;
ang kalayaang dating kaylayo,
ang kapayapaang dating
namimiyapis ngayo’y himig
ng hamog; dumidilig, dumudulog
sa mabikas na bakas ng bukas.

karimlan


walang aliw ang ilaw
na hindi makatanglaw,
dulot nito’y dalit na bulag
sa bula ng mga babala;
mainam pang uminom
ng dalamhati ng dilim
at  magpapiit  sa pait,
nang maisuka ang pagsuko
sa pananakal ng paninikil.

dayo


salat ang salita –
hindi madalit
ang dalita ng bungo
sa bangang binaklas
sa gilid ng gulod;
tiba sa tubo
ang dumayong dumaya
sa dinatnang diwata.

bakod


hindi napansin ang pinsan
kaya lasing na sumingasing ang bintang
at bantang  hindi mapagpahinga
ng buntong-hininga; at pinagbukod ng bakod
ang dalawang magkapit-bukid; natigang
maging ang bulong ng dating
bumubulwak na balong.

masisisi ba ang susô


hindi laging umuungos
ang maangas, umingos man siya
at manggulat sa galit. malamang
mapiit lamang siya sa pait ng sariling
poot.  malamang silaban lamang siya ng inis

sa  unos ng mga anas nilang mga tikom
ang bibig at kamao – kumikilos,
tiyak  na kumakalas sa renda ng nakaririnding
pagngawa, pagngiwi, at pagtunganga.  hukbong
hakbang-hakbang na sumusulong.  masisisi ba

ang susô? sa bawat sulok na sulingan
ng hilong kuneho, nakasulat ang ganito: 
“langhapin mo laway ko.”

Thursday, May 01, 2014

ukay-ukay


Konsultahinang panlasa
pero sundin ang tibok ng bulsa.

Ibandera ang pinagsawaan ng iba.

Maano kung hindi brandnyu,
mabuti nang  may pambalabal
sa malaparilyang tadyang
o  malatapayang tiyan.

Maano kung di brandnyu,
mabuti nang may pantaklob
sa nangungulubot na lagusan ng utot.

tiwangwang man na langit


Tiwangwang man
na langit
ang bubong ko ngayong gabi,
mahirap pa ring paunlakan
ang anyaya
ng bilog na buwan.

Sapagkat ngayon,

         pagkatapos manalanta
               ang bulungan ni Meyor
                 at ni Mr. Smith,

ang buwan
para sa akin
ay ang nakasambulat
na mga duguang piraso
ng tabla-yero-kartong
kailangang tipunin at yapusin;

            mga tabla-yero-kartong
kanina lamang
ay kumakalong sa akin,

habang pinagmamasdan ko
ang unti-unting pagdilim
ng langit.

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta


Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
noong  alukin mo ako ng tinda mong mga k’wintas;
ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
“B’wisit, abala”,  dagli kong kinuyom ang aking bulsa,
tiniyak na wala ni kalansing na dito’y aalpas.

Ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.
Laksang bubog ng yelo ang lumuwa sa aking mata –
mga pangil ng lamig na sa iyong puso’y ngumatngat;

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
Dapit-hapon, umaambon; marahan, tumalikod ka –
humakbang. Yumakap sa iyong likod ang mga patak;

ayaw, ayaw pumantag nitong aking pag-iisa
Tinawag kita sa gitna ng ulan: “bata halika!”
Ikinubli ka ng dilim; lalamunan ko’y nalaslas.

Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta,
Dapit-hapon noon, umaambon nang lumapit ka,
bitbit ang tinuhog na kampupot na wala nang katas;
ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.


tagubilin ni ingkong


“Bihirang lumabas ang bahag-hari
noong kabataan ko,” sabi ni Ingkong.
Ngunit kapag ito raw ay gumuhit,
Malinaw ang mensahe nitong bitbit:

Pangako ng Maylikha
hindi tayo gugunawin sa baha.

Bakit sa Tacloban?, bigla kong naisip
na para namang nabasa ng matanda;
kaya nga raw lubha siyang nababahala
sa mga tanawin dito sa Maynila.

Kahit saan, kahit kailan, makikita
ang bahaghari – sa pader, sa kuko,
sa buhok, sa balat.  Sabi ni Ingkong,
mahirap nang pag-ibahin Kano at Pinoy

pareho ng suot, pareho ng kilos, pati kulay
ng balat at buhok; mabuti na lamang
at dapa pa rin daw ang ating ilong.

Isang araw, biglang nag-empake si Ingkong
at nakiusap: “Sige na, umuwi na tayo apo ko,
Mangyayari na, magugunaw na ang mundo.”

Inakbayan niya ako at ibinulong ang tagubilin:
“Kailangang matapos ang arko bago dumilim”.

sapatero


Walang daplis bawat tusok,
bawat pukpok walang mintis.

Pukpok, tusok, pukpok, tusok;
kahit warat nang sapatos
na sa kanal ay napulot
iyo pa ring naaayos.

Sa martilyo mong kaygaan,
pumipikit bawat angat;
Sa karayom mong kaykinang
dumidikit bawat tastas.

Matalas pa iyong mata,
Braso’y di pa nanginginig
kahit ika’y sitenta na,
kahit wala ka nang kisig.

Bawat tusok  walang daplis,
walang mintis bawat pukpok.

Laksang luray na tsinelas
binuhay ang pakinabang;
laksang warat na suwelas
pinalawig mo ang buhay.

Di mo pansin ang pagkirot
ng pawisa’t hapong likod.

Sapaterong anong sikap,
masulsihan mo pa kaya
sanga-sangang mga sugat
ng bituka mo’t dalita?


salamin ng buhay kong dukha


Iniluwa siya ng Pinatubo
sa mga kalye ng Maynila,
mistulang tupok na tuod –

kalawanging alambre
ang buhok,
gaspang ng uling
ang kalabit,
alingasaw ng imburnal
ang hininga.

(Yelo ang mata niyang tinutunaw
ng aking ismid at titig na nanlilisik).

Kilik niya ang isang sanggol
na sumusupsop ng pundakol[1].
Kayputla ng kaniyang mukha,
Salamin ng buhay kong dukha.

(Apoy ang luha niyang tumutunaw
sa nagyeyelo kong dibdib).



[1] salitang Pantabangan sa hinlalake

nasa lotto ang pag-asa


Hindi na siya nag-jipni;
naglakad na lang papunta
sa pinapasukang konstraksyon.

Nangarap ng pansit at pandesal
para sa almusal, dumighay
ng mithing bahay kotse diploma
para sa tatlo niyang anak.

Habang naglalakad
nilulurok[1] niya ang bawat mabunggo
ng kanyang mata – pulis poste   aso  
basura   kanal   buntis na tindera   bilao,

at matiyagang ikinukombina
sa kung kaninong birtdey  binyag  kasal  
kamatayan  libing at iba pang petsa,
tunay man o bungangtulog.

pagdating sa kanto, isinubo niya sa lotto
ang nanlilimahid niyang sampung piso
at nag-antanda at umasam, at umasam.



[1] pinipigurahan o matamang sinisipat, inaanalisa, pinakikiramdaman kung anong numero o mga numero ang ikinukubli ng isang bagay o pangyayari, aktwal man o panaginip.

mapapalad kayong mahihirap


Sa ilalim ng alkitrang langit
bayaang yakapin kita bunso,
kumutin mo ang bisig kong hapo
humimlay ka sa pagal kong dibdib.

Iwaksi sa isip ang dagundong
ng buldoser, angil ng de-kabra,
singasing ng pako-yero-tabla.
Iduduyan kita sa daluyong

ng himagsik-pagibig-pagasang
panangga ko sa lamig at gutom,
habang kinakalag ko ang buhol
ng mitong tumatabing sa mata

ng mahihirap.  Aking bunso

kailanman hindi tayo susuko.


langib


makadiyos.tapat.kaibigan
makamasa.lakasngbayan.


Lumalagaslas
ang talulot at pulot
sa entablado’t pulpito;

ngunit
singrupok ng papel
ang pangako,
singbagsik ng pulbura
ang dalita.

Habang nagliliwaliw
ang mga nagwagi sa Moro-moro,
at nag-iimbak sila ng laway
para sa susunod nilang palabas,

wakwak pa rin ang bituka
ng dukha; 
bigti pa rin ang tinig
ng maliit.

Kaya hindi magtatagal
at muling maglalangib
ang garbo ng paligid,

mambubuliglig
ang tinakpang ligalig
sa dibdib ng pader:

Isulong ang rebolusyon!


lagi akong kumokontak kay lord


Nang magkaroon ako ng selpon,
natuto akong magdasal
nang kusa at taimtim.

Wala akong pinipiling lugar –
simbahan, bahay, iskul, sinehan
jipni, kalye, kubeta.

Lagi akong kumokontak
kay lord

kahit anong aking ginagawa –
kumakain
naliligo
naglalakad
tumatae.

Kahit natutulog.

Singgaspang na ng tuhod
ng Manang sa Quiapo
ang aking pundakol[1]

sa kapipindot sa nanlilimahid
na mga butil
ng aking rosaryo

masend ka
masend ka
plis naman god
masend na sana


hay tnx

Amen.



[1]  salitang Pantabangan sa hinlalake

kalingain sila


tama ang  mahal na Pangulo
nararapat lamang silang  arugain –
ang mga mukhang iyon na nakisukob

sa kislap ng kamera noong pitasin niya,
ng mahal na Pangulo, ang hinog na uhay
na iniluwal ng EDSA Dos.

nagurlisan ng sinag-araw at alikabok
ang mga mukhang iyon na araw at gabing
kaulayaw ng kolorete at eyrkon. 

kaya alang-alang sa paghihilom
ng mga sugat ng ating bansa,
kailangang kalingain sila – kailangang

langgasan ang mga gurlis sa kanilang balat
sanhi ng taimtim nilang pakikipagkapitbisig sa atin – 
mga matiising alila sa kanilang mga kusina, bukid, at pabrika.

upang kung manumbalik na ang mala-bubog
nilang kutis ay maanggihan naman ng mga butil
ng mumo o mertayolet ang wakwak nating bituka.


jack hammer


Nginasab ng takatak ng jack hammer
ang lahat ng tunog, maliban sa tikatik
ng kung anong sakit sa kanyang sintido –

kumakalog ang kanyang utak,
lumuluwa ang kanyang mga mata,
singlamig ng bakal ang kaniyang pawis.

Gumigitaw ang laway
sa mga sulok ng kanyang bibig.
Lumalabo     umiikot     lumalapit

lumalabo ang buong paligid –      
pansit  kape
                 ngiti ng kaniyang bunso yakap
            ng kaniyang kabiyak
trumpong umikot ang lahat.

Bumulagta ang jack hammer. Bukas
hindi na nito liligligin ang dating matipuno
ngunit ngayo’y lamog niyang katawan;

Bukas muli itong yayakapin
ng tulad niyang gutom na mga palad


Magpapatuloy ang proyekto.

in god we trust


bomba sa klats
padyak sa preno
pihit sa manobela
tulak-batak sa kambyo

diin sa silinyador
agwad sa saydmiror
na nasagi ng nagkukumahog
na pasahero

nangangalambre ang tumbong
sa upuang parang pugon

halos malinsad ang balikat
sa pag-abot ng sukli’t bayad
habang nakikipagpatintero
sa kawatang unipormado

at taimtim na nilalanghap
ang utot ng sinusundang

 “in god we trust”


estribong hitik sa anghit


Kahapon,
baradong imburnal na naman
ang Quiapo.

Isang dekada
na akong nakatayo,
nakikipaggitgitan,
nagpaparoo’t parito.

Pitig na ang aking binti.

Hindi pa rin ako makasakay,
kahit sabit lamang.

Mabuti kung hanging-pinipig
ng Disyembre
ang aking nalalanghap,
at hindi utot ng tambutso
at ng mga uod
na umuumbang ng basura.

Mabuti kung eyrkon
ang aking masasakyan –
maginhawa akong makakaupo
at makakaidlip.

Pero ang kaya ko lamang ay jipni;
wala akong mapagpipilian
kundi umukyabit sa estribong hitik

sa anghit.

astig


Dalawa pa!    
kilos,  kilos,
konting ipit,

sigaw ng ale
sabay sampal
sa tagiliran ng jipni.

Hindi ko alam
kung matutuwa  ako
o makukunsumi;

pero astig,       nagkasya

sa ga-beyntesingkong espasyo
ang dalawang dambuhalang puwet
na huling sumakay

bago umarangkada
ang hikaing Malagueña.


sa alaala ng punong akasya

  
inaruga mo silang lahat wala kang kinilingan
kahit sinong dumating tubero  anawnser  rekruter
elektrisyan titser  drayber pintor  bendor pulitiko

minsan isang maamong mukha ang umukyabit
bumalangga at yumakap sa iyong balikat
itinarak niya roon ang ngiting
umaamot ng pagtangkilik  

pinutungan ng kawad sinibat ng pako
ang iyong mga bisig
payapa mong tinaggap
pag-antak ng sariling sugat
payapa mong iniwi
pagtigis at pagkatuyo ng sariling dugo

isang araw padaskol na isinalaksak
sa iyong katawan ang isang patalastas

“maraming salamat sa inyong pagtangkilik”

habang nakangatngat sa iyong dibdib
mga kawad at pakong tigmak sa kalawang

tumupad sa pangako ang mukhang iyong inaruga
inayos ang trapiko nilinis ang kalsada
pinulak ang limang dekada

ng tapat mong paglilingkod.