Showing posts with label pitik sa pananahimik. Show all posts
Showing posts with label pitik sa pananahimik. Show all posts

Tuesday, January 15, 2008

ang pangulo


isang higanteng bilbord
ang humambalang sa daan,
bali ang magkabilang poste
            at balu-baluktot
ang kalawanging mga tadyang.

                        at ang tarpulina
            nakasubsob sa putik –
nakatiwarik sa burak
                ang nakangiting mukha
ng presidenteng may nunal sa pisngi.

payapang bundok


pag nadaraanan ko ang mga bulaklak
            na itinitinda sa Pansol
lalo na ang mga dilaw na gumamela
            at ang mga waling-waling,

    di ko mapigilang tumigil sandali
upang pagmasdan at kung maaari
                haplusin ang kapayapaan
        ng bahagharing nakalambong
                sa luntiang mga dahon.

kapayapaang ngayo’y nakalibing
                    sa putik na rumagasa
                    mula sa hinalungkat 
na dibdib ng bundok.

nakadungaw sa bangin


  
                            sa kampus,
nakangiti nating sinalubong
      ang isa’t isa
at winelkam ang pamamaalam
      ng bagyo.

itinahip ng ating dibdib
      ang selebrasyon
      para sa isang linggong
      walang pasok
(ang iba, tiyak ang gimik
ng barkada).

may mga iskolar namang naghimutok,
      nakatutok ang puso sa blue book
habang inuusal ang mga pormula
      ng i-eeksam sana
      sa math, sa stat, at sa chem.
      
      sa Pansol, lampas-baywang
ang tubig-baha, may pamilyang
parang mga basang manok
na nakadapo sa bubong;

may inang namumugto ang mata
at namamaos ang lalamunan
      sa katatawag sa anak
na inanod ng baha;

sa gilid ng tulay sa Parian,
may mga bahay na nilunok
      ng naghikab na ilog,
      at sa tabi ng pampang
nakadungaw sa bangin ang balkon
      ng isang bunggalo, sa gilid
nagsasampay ng damit
      ang isang aleng buntis.

nakalahad ng mga palad


abala ang mga iskolar
sa pagpindot ng kamera at celfon
para ikuwadro ang mga punong
humalik sa lupa – naghambalang
na mga gawaing namamalimos ng bisig.

"kawawa naman ang mga puno,”

sabi ng isang iskolar
habang patingka-tingkayad siyang humahakbang
sa mga sanga at dahong tila mga palad
na nakalahad sa kanyang harapan.

mabuting balita


nang humupa ang hangin at ulan,
naglabasan ang mga iskolar ng bayan,
naghimutok sa sinapit ng minamahal na kampus:

mga baling sanga,
higanteng akasyang nakatingala sa langit ang mga ugat,
tuklap na bubong ng koop,
basag na salamin ng bulletin board sa registrar,
naghambalang na dahon ng royal palm tree,
umaalulong na ilog sa likod ng s.u.*

nagsalimbayan ang kislap ng kamera
at tikatik at tunog ng celfon –
agad ipinamalita ang tala ng pinsala
at ang mabuting balita na isang linggong
suspendido ang klase.



* s.u. – Student Union building

nang manalanta si milenyo


        mga pinong guhit ng karayom
ang bakas ng ambon sa bintana ng bus.

      kumakaway
ang punit-punit na plastik na nakasabit 
      sa ulilang sanga
      ng nakabulagtang akasya;
      
paikot-ikot ang pigtas na tsinelas,
      hinihigop ng puyo ng tubig
      sa gilid ng daan;
      
      nakasubsob sa putik
ang kongkretong poste ng kuryente;

      nangangatog sa bubong
      na may sunong na gulong
ang tatlong batang hubad;

      nangakatingala sa langit
ang mga latang ikinakaway
ng mga paslit na umaaligid
      sa mga sasakyan.
     
ito ang pinakamahaba kong biyahe
      mula Los BaƱos pa-Cubao,
pitong oras na pag-aalumpihit
      ng puwit at isip.
      
at dahil nginangatngat ng pag-uulyanin
ang aking utak , nakaligtaan kong
      magbitbit ng bolpen at notbuk.
      
kaya habang
usad-hinto ang punerarya ng tila-ataul
na mga sasakyan, bawat masabat
ng nanlalabo kong mga mata

      iniuukit ng aking kuko
sa kapiranggot
na tiket ng bus.

Tuesday, October 30, 2007

ang pagiging matapat


Ang pagiging matapat
ay kabutihang-ugali
na dapat nating isapuso;
kaya tulad ng kuhol
na ngumangatngat ng dahon,
siya, na ulo ng CHED,
ay nanahimik upang magturo
sa pamamagitan ng gawa
at hindi ng ngawa --
ipinid ang bibig
upang karera'y di mapatid
.

Ang pagiging matapat
ay kabutihang-asal
na dapat nating isabuhay;
kaya tulad ng kuhol
na pinasukot ng asin,
lumukot si neri, inilubog ang ulo
sa laylayan ng saya ng kanyang hepe,
siya, na bungangang umaalingasaw
sa
hello garci at i am sorry.

Monday, October 29, 2007

casual(ty)


Just becoz I’m not a graduate of UP
and I aint got no MA or PhD,
nor do I have the latin surname laude

casual akong puwedeng masisante
anytime, even without notice ‘mare.
Hasa man ako sa mga diskarteng

pangklasrum, mag-somersault man sa klase,
tumimo lang sa student’s kukote
the lessons that I weave araw at gabi.

Gosh! sadya nga bang buhay ay ganire dine
sa ‘ting premiere university?
Gee! tuluyan na nga kayang napundi

ang Liwanag? Ningning ang humalili?
O dear idols ng mga estudyante,
my colleagues, mga kap’wa ko casual(ty)

kumapit sa payroll, wag magpahuli.
Dream! makibeso at maghapi-hapi
luhuran, himurin ang RGEP1








1Revitalized General Education Program ng UP