Tuesday, January 15, 2008

nang manalanta si milenyo


        mga pinong guhit ng karayom
ang bakas ng ambon sa bintana ng bus.

      kumakaway
ang punit-punit na plastik na nakasabit 
      sa ulilang sanga
      ng nakabulagtang akasya;
      
paikot-ikot ang pigtas na tsinelas,
      hinihigop ng puyo ng tubig
      sa gilid ng daan;
      
      nakasubsob sa putik
ang kongkretong poste ng kuryente;

      nangangatog sa bubong
      na may sunong na gulong
ang tatlong batang hubad;

      nangakatingala sa langit
ang mga latang ikinakaway
ng mga paslit na umaaligid
      sa mga sasakyan.
     
ito ang pinakamahaba kong biyahe
      mula Los BaƱos pa-Cubao,
pitong oras na pag-aalumpihit
      ng puwit at isip.
      
at dahil nginangatngat ng pag-uulyanin
ang aking utak , nakaligtaan kong
      magbitbit ng bolpen at notbuk.
      
kaya habang
usad-hinto ang punerarya ng tila-ataul
na mga sasakyan, bawat masabat
ng nanlalabo kong mga mata

      iniuukit ng aking kuko
sa kapiranggot
na tiket ng bus.