sa kampus,
nakangiti nating sinalubong
ang isa’t isa
at winelkam ang pamamaalam
ng bagyo.
itinahip ng ating dibdib
ang selebrasyon
para sa isang linggong
walang pasok
(ang iba, tiyak ang gimik
ng barkada).
may mga iskolar namang naghimutok,
nakatutok ang puso sa blue book
habang inuusal ang mga pormula
ng i-eeksam sana
sa math, sa stat, at sa chem.
sa Pansol, lampas-baywang
ang tubig-baha, may pamilyang
parang mga basang manok
na nakadapo sa bubong;
may inang namumugto ang mata
at namamaos ang lalamunan
sa katatawag sa anak
na inanod ng baha;
sa gilid ng tulay sa Parian,
may mga bahay na nilunok
ng naghikab na ilog,
at sa tabi ng pampang
nakadungaw sa bangin ang balkon
ng isang bunggalo, sa gilid
nagsasampay ng damit
ang isang aleng buntis.