tinutugis ako ng sanlaksang kamatayan

Sa iyong sinapupunan ako nagmula;
ngunit ipinaggiitan kong hinugot ka lang
sa aking tadyang -- isang ekstensiyon
anino, ari-arian, laruan.

Isang lalaking kapon, kulang.

Ikaw ang nagluwal sa akin;
ngunit ibinasura kong
tulad ng isang laspag na kondom
ang alab at aral ng iyong sinapupunan,
ang lamig at ligamgam na nag-iwi sa akin.

Isa ka lamang sinapupunan – madilim,
mabangis na gubat na walang pangalan,
kaya nararapat manatili sa dilim.

Hinubog at pinatakbo ko ang daigdig
ayon sa aking bisyon at kagustuhan.
Nagbuo ako ng hukbo, naglunsad ng gera,
tumuklas at gumamit ng armas- pamuksa.
Pinaluhod ko sa aking harapan
ang lahat na parang alipin,
sinupil ko ang dagat at ilog,
ang bukid at bundok,
ang apoy at hangin.

Walang lingon-likod kong tinugis
at tinuhog ang pinakamalalayong bituin
upang gawing kuwintas,
upang ibayong pagningningin
ang karangalang kakambal
ng aking kasarian – kawangis ng aking Diyos,
kawangis ng nilikha kong Diyos.

Tinalikdan ko ang aral at alab
ng sinapupunang nagluwal sa akin;
at ngayo’y napapagod ako.
Binabagabag ako ng buhay
na binigyang-hugis
ng aking mga daliri.
Binabagabag ako
ng nilikha kong gutom at dahas.

Nais kong umiyak;
ngunit hindi ba’t ang luha’y
para lamang sa aking anino?
Sa aking ekstensiyon?
Sa aking ari-arian?
Sa aking laruan?

Nais kong bumalik
sa sinapupunang nagluwal sa akin,
nais kong muling palukob
sa lamig at ligamgam ng buhay;

sapagkat inutugis ako
ng sanlaksang kamatayan.

kropek

Paos ang pasasalamat na inusal ng maputla mong labi
nang abutin mo ang pabaon kong piso. Napaso ako
sa lamig ng iyong daliri, nanulay ang liyab ng yelo
sa aking bisig, namugad ang ginaw sa aking dibdib.
Agad naglagalag ang aking mga mata upang iwasan
ang iyong titig. Nangimi akong aluin, kahit saglit,
ang nakakapit na kirot ng sikmura
sa ilog na namuo sa iyong mga mata.
Natakot akong lusungin kahit saglit
ang bukal ng pag-unawa sa ilog na iyon.
Gumuho ang aking mga kalamnan at buto.
Batid kong hindi kayang haplusin ng piso
ang hapdi ng agahan nating kropek.
(Paano pa kaya ang pagngatngat
ng pagpapanggap na busog ka pa,
habang nilulunok mo ang amoy
ng pananghaliang iniaalok
ng iyong mga kaklase at guro?)
Hindi mo na kayang ipantawid-
gutom ang mga salita.
Binusog kita ng mga teksto
at imahen na nagpapalagablab
sa mga kamao at istrimer.
Ngayo’y dumidighay
ng katanungan
ang iyong
mga mata.
Hanggang
kailan
itay
?

bitbit ng hangin ang aming pagbangon


May inilalahad ang dagat,
isang sugilanon –

mga batang singkintab ng balud
ang likod,
mga mangingisdang isinasakmol
ng higanteng trol,

baybay-dagat na kinukuyumos
ng tingga at kombatsyus:

pigtas na tsinelas
butas na baruto
basag na kabibe.

May inilalahad ang dagat,
isang sugilanon –

mga hiningang kaulayaw ng lambat,
naghahayuma ng isang pasyon;
sa kandili ng dilim, gising magdamag –

bitbit ng hangin aming pagbangon.

digmaan

  
Hinawi niya ang nalumlom
na sinampay – mga paniking nakabitin
sa bintana ng kanyang lungga.

Sinaksak ng mga retaso ng liwanag
ang kanyang katawan at mukha.
Muling nagtalsikan sa kaniyang ulirat
ang pulbura at mga piraso ng bakal
na gumutay sa kanyang mga binti,
at sa hininga ng kaniyang ama’t ina,
isang umagang
palabas sila ng Mosque.

Sinisid ng kanyang tingin
ang lunting alon ng bakuran,
sa kanyang isip,
binubulabog niya
ang mga butil ng hamog
na nakikipagkindatan sa sinag ng araw,
sinasalat ng kanyang talampakan
ang nagsakliwat
na sapot ng gagamba.

Nahinog ang hamog
sa kanyang mga mata,
umingit, pumihit
ang kanyang wheelchair.

Wasak na saranggolang
kumampay sa hangin
ang ulila niyang

binti.

Yor istragol, my istragol*

for yu
na nagweyds ng wor
wid words
na yong winiwisper
sa eyr o sa peyper
para iseyv
ang nagdwindol nating mga fores

for yu na magrader day
sa yurin at blad ng mga fores
kaysa magliv nang long
pero whayt naman sa fir

biliv ako sa yo
eylyen reys da ruf

mey ay jas riques
dont tern naman
ol de gans to pens
en da sords to estaylus

kase ang gans at sords
ay may yus
na di kaya ng words

---
* inspayrd bay da pom “We Wage a War with Words”
bay mario l. cuezon in peyds 110 – 111
of da diliman revyu, vol 46 no. 3-4 1998.

dila ng kandila

a
lak ang
salitang
ni la la gok
ng a k ing
mga mata
at uta
k
bumuntong
hininga ang
hangin sumayaw
ang paruparong
kurtina na sa
pagkampay ay
agad sinagpang
ng nabulabog
na dila ng kandila

sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng diyos



sapagkat gayon
na lamang
ang pagsinta
ng diyos
sa sanlibutan
kung kaya
ipinagkaloob
niya ang kaniyang kaisa-isang anak

sapagkat gayon na lamang ang pagsinta
ng negosyo sa sariling diyos, ipinako
nito sa minimum
ang sahod upang
ang sino mang
sumasampalataya
sa kapital
ay hindi
mapahamak
kundi magkaroon
ng buhay
na walang
hanggan
aleluya aleluya

Mga titik na sinulid

pagkaraan ng limang taon,
ng iglap na engkuwentro namin sa klase,
nakasakay ko sa bus
ang dati kong estudyante.

agad kong binalikan,
inisa-isa ang mga mukha
ng mga nakasalamuhang tumatak sa diwa;
hindi ko maipirmis ang kanyang hulagway,
hindi ko mahagilap ang kanyang gunita.

'musta na po kayo?,

nakangiti niyang bati,
lampas-balikat
ang kulay kalawang niyang buhok.

ayos naman,

ang di ko pinag-isipang sagot.

lumampas siya;
at nakahinga ako nang maluwag.
di maikakaila ng hikab ang aking puyat
at gusto kong umidlip;

gusto kong samantalahin ang sandali
na walang nambubulahaw na anak,
o gripong tumatagas,
o ilaw na dapat patayin;
na walang kakatok para mamalimos
o magtinda ng diyos.

pagdating sa istasyon ng Magallanes,
agad akong tumayo
at tila palos na kumiwal-kiwal
sa pagitan ng mga balakang at puwet
ng mga nakahambalang na pasahero.

di ko pinansin, may bumulyaw-bulong
sa aking pangalan;
ipinagpatuloy ko ang pagmamadali,
ang pakikipagsiksikan palabas,
pababa ng bus. sumunod ang boses --

ser hintay po,

iniabot sa akin
ng babaeng kulay kalawang ang buhok
ang isang likhang-kamay na papel,
burdado ng putol na mensahe:

pinagmamasdan ko kayo, kamangha

nakatatak sa mga titik na sinulid,
ang usad-hinto at likot ng bus
na ipinaubaya ko sa pag-idlip.

ilang minuto rin akong naligo sa usok
ng mga rumaragasang sasakyan;
nakatitig sa likhang-kamay na papel

na may sulsi
ng liko-likong
itim
na sinulid.

Pilantik ng twang

kahapon,
sa tindi ng aking gutom
napilitan akong magwaldas ng yaman
sa isang fast food resto
na iika-ika ang serbisyo.

habang nginangatngat ako ng inip,
humaplit sa aking tainga
ang pilantikan ng Ingles
sa kalapit kong mesa.

pinisil-pisil ko ang aking mga braso,
sinilip sa kintab ng kutsara ang aking mukha,
ulo’y ipinilig-pilig; hindi, hindi ako nanaginip,
nasa Pilipinas ako, wala sa US.

sabi ko na lamang sa aking sarili,
siguro mga bisitang langyaw ang naghuhuntahan.

pero muling nagpamalas ng gilas ang aking memorya:
ang inakala kong mga dayuhan
dati kong mga estudyante
sa Sining ng Pakikipagtalastasan.

Puwede pong pakiulit?

tumango siya nang ilahad ng guro
ang layunin ng aralin,
umiling nang usisain ang lipunang patriyarkal.

nanlaki ang mata nang marinig
na sa ibang panig ng daigdig,
ang babae tinatahi ang puke,
pinupunggil ang tinggil.

kumunot ang noo nang sabihin ng kaklase
na bihag ng lalake ang katawan at tinig ng babae.

konsentrado ang kanyang pakikinig,
napapamulagat, napapapikit
habang rumaragasa sa bibig ng guro
ang mga bersikulo sa bibliya,
ang mga talatang nagbibigay-katuwiran
sa pagmumuryot at karpitso ni Adan.

nahikayat naman ang guro
sa napansing reaksyon ng estudyante
kaya tinawag: meron ka bang tanong,
o gustong ibahagi o gustong linawin?

parang bagong gising na naamlimpungatan,
kinuskos ng estudyante ang kanyang mga mata,

a, e, ako po ba ser? ano pong sabi nyo?
pasensya na po, puwede pong pakiulit?

Meron bang tanong?

malayang magpahayag
o kumontra ang bawat isa --

ser, sabat ng isang estudyanteng
parang tuyong dahong sinilaban
sa sinabi ng guro,

di po ako sang-ayon na may kinalaman
sa transformasyon ng lipun --

bulateng lumikaw-likaw ang kilay ni prof,
opinyon mo lang ‘yan – sabi niya,
sabay sungkit sa langit ang kanyang hintuturo,
parang paring nagsesermon sa katedral:

pero ang iyo hindi totoo sa lahat,
at kung ganon, bakit mo ipapataw sa kabuuan
ang sarili mong haka-haka at palagay?

habang naghahasik ng laway,
lumakad-lakad si prof,
dumagundong sa pader at kisame
ang halakhak ng takong ng sapatos niyang katad.

at dapat nakasandig sa ebidensya
ang iyong sapantaha;
walang puwang sa klase
ang kalangkang ng latang walang laman.

ngumiti si prof, labas ang gilagid,
pero ang mga mata, nanlilisik:
meron pa bang tanong?
meron pa bang dagdag?

Class dismiss

sermon ng profesor:

tanggap sa aking klase ang lahat ng opinyon
pagkat ang edukasyon ay isang dayalog
isang proseso ng palitan ng kaalaman at kasanayan
sa pagitan ng titser at estudyante
kaya walang puwang sa klase ang pagsasawalang-kibo
at may karapatan ang lahat na mag-usisa at sumalungat
sa ganyan lamang makakamit
ang hinahangad nating karunungan
at isa pa ito ang esensya ng demokrasya.
kung saan malaya ang bawat isa --

habang ang mga estudyante
alumpihit ang mga puwet
pinupulikat ang mga hita
umuugong ang mga tainga
nanunutong ang mga laway
at bugok na ang mga tanong.

kumalembang ang kampana
at natapos ang isang siglong misa:

class dismiss, sabi ng profesor
sabay pahid ng palad
sa labing namumutiktik sa bula.

Ratsada ni ser

noong panahon namin,
ratsada ng naka-antiparang profesor
na naglalagas na ang balbas.

wala kaming inaaksaya,
hindi namin pinalalampas
ultimong pinagbalutan ng tinapa.

ngayon daw sabi ng profesor,
dahil sa celfon, internet, at tv
tamad nang magbasa ang mga estudyante.

at ipinagdikdikan niya ang kanyang mantra:
ang panitikan bilang salamin ng buhay,
ang pagbabasa bilang bagwis ng pagtuklas.

ser, pasok ng isang bibang estudyante,
nabasa nyo na po ba yung Angels and Demons? negatib.
e ‘yung ano po, yung Matilda ni Roald Dahl? negatib.
e ‘yon pong ABNKKBSNPLA AKO ni Bob Ong?

nagsalubong ang kilay ng profesor:
‘yan ang hirap sa inyo,
kung ano-anong binabasa ninyo!

Di gawang biro ang magturo

binulatlat ng isang estudyante sa klase
ang tulang “May bagyo ma’t may rilim”
gamit ang sabi niyang teorya ni Marx.

napanganga ang mga kaeskuwela sa pagtataka,
may ganon palang hayop sa ating planeta!
may mga tumalungko sa bangko,
tila may lintang sisipsip ng dugo
sa makikinis nilang sakong at binti.

meron ding napangiwi,
mga tainga’y nagsitiklop; ang isa nga,
nalukot ang mukha sa pagkakapikit,
kumibot-kibot ang labi, taimtim na pinindot-pindot
ng hinlalake niyang may pulang talulot
ang kumikintab na singsing-rosaryong pilak.

samantala sa likod,
tila bumabalasa ng baraha
ang mga daliring dumadalirot
sa nutnot na math ni Leithold.

isang estudyanteng tila lente ang antipara
ang bumulabog sa aking pagmamasid --

ser, opium talaga ang relihiyon,
pero di magtatagal, pag nagwagi ang uring api
laban sa burgesya-komprador at higanteng kapitalista
at imperyalistang Estados Unidos,
mawawala na rin ang mga pamahiin.

bigla akong napaliyad,
parang sinundot ng pakpak ng manok
ang aking kuyukot;
di ko tuloy napigilan ang pagsirit
ng basang init
na sumanib sa lagnat
ng kulaning sa singit ko’y ngumangatngat.

Silang mga nakikiraan

kailan lamang
di siya mapakali sa kanyang bangko,
nangangatuwiran, nagtatanong
kumukumpas, umiiling, tumatango;

ngayon, magiting siyang manananggol
ng isang dayuhang dambuhalang korporasyon.

kailan lamang
lagi siyang laman ng aking kuwarto,
namamalimos ng komento at basbas
sa kanyang mga tula at kuwento;

ngayon, kumikislap ang kanyang pangalan,
karugtong ng dulang dinudumog sa telebisyon.

kailan lamang
halos humiga at humilik siya sa klase,
paano'y magdamag niyang binutingting
bangkay ng pusang ibinabad sa pormalin;

ngayon, de-kalidad na siyang doktor,
walang mintis ang pangarap sa sahod na dolyar.

kailan lamang
halos di ko matandaan kanyang itsura;
paano’y pumapasok lamang pag may eksam,
laging nasa pulong, nasa piket, nasa rali;

ngayon, bukambibig siya ng madla at midya,
tinutugis ng mga berdugo ng kalayaan at hustisya.