Tuesday, January 15, 2008

ramdam ko na ang iyong mga paramdam


kapag nagbibisikleta ako
naaaninag kita, nakabitin at pasirko-sirko
sa mga tinik ng alambreng bakod
sa gilid ng daan.
sa tuwing uupo ako sa tarangkahan
para panoorin ang pagsuksok ng araw sa likod ng bundok
nasusulyapan kitang
nagkukubli sa kulumpon ng talahib
sa kabilang bakuran
at nararamdaman kitang gumagapang
sa aking balakang, likod, batok, dibdib.
ayaw mo na akong hiwalayan. kagabi,
paggising ko para umihi,
nakaukyabit ka sa elisi ng electric fan
at nakasilip din sa mga mata
ng kalawanging iskrin ng bintana.
kanina,
muntik na tayong magtagpo
buti na lamang at tinabig
ng bumunghalit na busina
ang kaliwa kong braso palayo sa iyo;
pero nagalusan mo pa rin
ang aking tuhod at pisngi.
dalawampung taon bago ngayon,
narito ka nga sa utak ko
pero hindi talaga kita kilala.
wala anuman, ni anino mo
ang sumagi
sa aking guniguni
o sumilip man lamang sa aking mga panaginip,


kahit na hinahamon na pala kita noon
sa mismong teritoryo mo.
nakikiusap ako:
huwag mo akong dahan-dahanin,
santambak ang mga gunita at pasaning
kapag dumalaw
hindi ko kayang estimahin.
pakiusap,
dumating ka nang payapa pero biglaan
at walang ligoy mong ipataw
ang iyong pakay.

ang pangulo


isang higanteng bilbord
ang humambalang sa daan,
bali ang magkabilang poste
            at balu-baluktot
ang kalawanging mga tadyang.

                        at ang tarpulina
            nakasubsob sa putik –
nakatiwarik sa burak
                ang nakangiting mukha
ng presidenteng may nunal sa pisngi.

payapang bundok


pag nadaraanan ko ang mga bulaklak
            na itinitinda sa Pansol
lalo na ang mga dilaw na gumamela
            at ang mga waling-waling,

    di ko mapigilang tumigil sandali
upang pagmasdan at kung maaari
                haplusin ang kapayapaan
        ng bahagharing nakalambong
                sa luntiang mga dahon.

kapayapaang ngayo’y nakalibing
                    sa putik na rumagasa
                    mula sa hinalungkat 
na dibdib ng bundok.

at naglapat ang kaniyang mga pilik


kalaro ng daliri ang kandila,
hinintay niya ang paghupa
ng alimpuyo ng bagyo.
napapapitlag siya
sa bawat kalampag ng bubong,
sa bawat hampas ng hangin
sa playwud na dingding.
nanginginig ang ningas ng kandila
at ang kaniyang mga daliri
sa bawat yugyog
ng sahig.
kailan kaya matatapos ang sungit ng langit?
makabalik kaya si Inang at si Tatang
mula sa laot?
binatak
ng yakap niyang kartun ng damit
ang kaniyang noo,
hanggang tuluyang maglapat
ang pilit niyang binubuklat
na munti niyang mga pilik.
humilig ang kandila
sa dantay ng humimlay na daliri,
at unti-unti,
gumapang ang ningas,
naglambitin sa kartun,
tinupok ang musmos na panaginip.

nakadungaw sa bangin


  
                            sa kampus,
nakangiti nating sinalubong
      ang isa’t isa
at winelkam ang pamamaalam
      ng bagyo.

itinahip ng ating dibdib
      ang selebrasyon
      para sa isang linggong
      walang pasok
(ang iba, tiyak ang gimik
ng barkada).

may mga iskolar namang naghimutok,
      nakatutok ang puso sa blue book
habang inuusal ang mga pormula
      ng i-eeksam sana
      sa math, sa stat, at sa chem.
      
      sa Pansol, lampas-baywang
ang tubig-baha, may pamilyang
parang mga basang manok
na nakadapo sa bubong;

may inang namumugto ang mata
at namamaos ang lalamunan
      sa katatawag sa anak
na inanod ng baha;

sa gilid ng tulay sa Parian,
may mga bahay na nilunok
      ng naghikab na ilog,
      at sa tabi ng pampang
nakadungaw sa bangin ang balkon
      ng isang bunggalo, sa gilid
nagsasampay ng damit
      ang isang aleng buntis.

nakalahad ng mga palad


abala ang mga iskolar
sa pagpindot ng kamera at celfon
para ikuwadro ang mga punong
humalik sa lupa – naghambalang
na mga gawaing namamalimos ng bisig.

"kawawa naman ang mga puno,”

sabi ng isang iskolar
habang patingka-tingkayad siyang humahakbang
sa mga sanga at dahong tila mga palad
na nakalahad sa kanyang harapan.

mabuting balita


nang humupa ang hangin at ulan,
naglabasan ang mga iskolar ng bayan,
naghimutok sa sinapit ng minamahal na kampus:

mga baling sanga,
higanteng akasyang nakatingala sa langit ang mga ugat,
tuklap na bubong ng koop,
basag na salamin ng bulletin board sa registrar,
naghambalang na dahon ng royal palm tree,
umaalulong na ilog sa likod ng s.u.*

nagsalimbayan ang kislap ng kamera
at tikatik at tunog ng celfon –
agad ipinamalita ang tala ng pinsala
at ang mabuting balita na isang linggong
suspendido ang klase.



* s.u. – Student Union building

nang manalanta si milenyo


        mga pinong guhit ng karayom
ang bakas ng ambon sa bintana ng bus.

      kumakaway
ang punit-punit na plastik na nakasabit 
      sa ulilang sanga
      ng nakabulagtang akasya;
      
paikot-ikot ang pigtas na tsinelas,
      hinihigop ng puyo ng tubig
      sa gilid ng daan;
      
      nakasubsob sa putik
ang kongkretong poste ng kuryente;

      nangangatog sa bubong
      na may sunong na gulong
ang tatlong batang hubad;

      nangakatingala sa langit
ang mga latang ikinakaway
ng mga paslit na umaaligid
      sa mga sasakyan.
     
ito ang pinakamahaba kong biyahe
      mula Los BaƱos pa-Cubao,
pitong oras na pag-aalumpihit
      ng puwit at isip.
      
at dahil nginangatngat ng pag-uulyanin
ang aking utak , nakaligtaan kong
      magbitbit ng bolpen at notbuk.
      
kaya habang
usad-hinto ang punerarya ng tila-ataul
na mga sasakyan, bawat masabat
ng nanlalabo kong mga mata

      iniuukit ng aking kuko
sa kapiranggot
na tiket ng bus.